Wednesday, April 20, 2011

Si Tara B. sa mundo nina Imbong asar at Inong buska.

 This is my first ever story written by yours truly. I really want to thank Mr. Vibiesca for his comments and suggestions for my story. Finally the story was done. :)



Si Tara B. sa mundo nina Imbong asar at Inong buksa
Isinulat ni: Cris Raymund Viray

Mga bata, naranasan niyo na ba ang makipagkaibigan at gumawa ng isang bagay para sa isang magandang hangarin ngunit di kayo maunawaan ng iba? Sa ating kwento, ay makikilala natin ang isang batang laging tinatawag na Tara B. ng mga bata sa kanilang lugar. Bakit kaya siya laging tinatawag na Tara B.? Ano kaya ang kakaiba sa kanya? Magbasa na tayo para malaman natin.

Dit-dit-dit-dit dit dit...
Mabilis na inabot ni Tara ang kanyang alarm clock. Alam niya na oras na para siya ay gumising. “Magandang umaga Nanay at Tatay!” ang sambit ni Tara pagkadilat ng kanyang mga mata.
“Anak, ang aga mo naman atang gumising. Sabado ngayon ah?” ang tanong ng kanyang ina.
“Nay, sabado po ngayon di ba? Pupunta po ako sa bahay nila tiyo at tiya.” Ang sabi ni Tara habang inuunat-unat ang kanyang mga braso, kamay at paa.
Si Tara ay agad-agad na bumangon sa kanyang higaan. Kinuha ang kanyang twalya at dumiretsyo agad sa banyo para maghanda.
Mabilis natapos maligo si Tara nagmamadali at kitang kita sa kanyang mga mata ang pagkasabik. Siya ay mabilis na nag-almusal dahil sabik na magtungo sa bahay ng kanyang tiyo at tiya.
 “Nay, mauna na po ako. Kailangan ko po mahabol sila tiyo at tiya, alam niyo naman po na maaga sila umalis para mamalengke.” Sambit ni Tara. “O’ siya, mag-ingat ka sa paglakad mo. Huwag kang tatakbo at maraming mga aso sa daan baka ikaw ay makagat.” Ang sabad naman ng kanyang ama habang nakangiti at tila inaasar ang anak. Alam kasi ng tatay ni Tara na maraming nangaasar dito dahil sa nahiligang gawain nito.
“Opo Tay. Sige po una na muna ako.”
“Nena, ano ba yang anak mo ang aga gumising tuwing Sabado. Wala namang pasok ngayon. Di ko maintindihan kung bakit kakaiba ang hilig ni Tara.” Ang sabi ng tatay.
“Jusko, kahit ako di ko rin maintindihan. Gusto ko nga minsang pagsabihan pero baka naman magtampo sa atin. Suportahan na lang natin ang anak natin. Iba talaga ang hilig niya sa mga hilig ng mga bata dito sa ating barangay.”  Ang malumanay na sagot ni Aling Nena.

Ngayon ay araw ng Sabado. Ang araw na nagpapaligaya kay Tara dahil tiyak marami na naman siyang makukulekta sa kanyang tiyo at tiya. Ang kanyang makokolekta ngayong araw ay tiyak na makapagbibigay sigla sa kanya sa buong araw.
Naglakad na nakangiti habang kumakanta-kanta si Tara. Sa kanyang paglalakad nakita niya ang mga puno, halaman at mga paru-paro.
“Ang ganda talaga ng kapaligiran. Sana patuloy na maalagan ang mga ito.” Biglang kumapit kay Tara ang isang paru-paro. At nagwika ng “At sana hindi maubos ang lahi ng paru-parong ito”.
Naglakad ng naglakad si Tara hanggang sa makarating na siya sa bahay ng kanyang mga paboriting tiyo at tiya.
Knock..Knock..Knock..
“Tiya Ileng...Tiyo Tinong?”
“Tara, kamusta? Halika at pumasok. Ano ang iyong pakay iha?” nakangiting tanong ni Tiya Ileng.
“Tiya, Sabado po ngayon. Alam niyo na po kung bakit ako nandirito.”
“Ikaw talaga Ileng, kaya nandito yang kyut na pamangkin natin dahil kokolektahin yung mga boteng nakatambak diyan sa likuran.” Natutuwang sambit ni Tiyo Tinong.
“Ay jusko! Pasensya ka na iha. Naku, sobrang makakalimutin na kasi ako. Alam mo naman na tumatanda na ang tiya mo. Hahaha. Sige pumunta ka na sa likuran kunin mo ang mga bote saka yung ibang mga papel.”
“Salamat Tiya” sabi ni Tara at bakas na bakas ang tuwa sa kanyang mukha.
Agad-agad na inilagay ni Tara ang lahat ng mga bote at mga lumang papel sa dala dala niyang bayong. Pagkatapos makulekta ang lahat agad-agad na itong nagpaalam sa kanyang tiyo at tiya.
“Ang dami kong nakolekta ngayon kina tiyo at tiya. Malaki talaga ang maitutulong ng mga ito. Para sa iba ay mga basura lamang ito pero para sa akin ay mahalaga ang mga ito.” Sambit ni Tara habang naglalakad hanggang sa may narinig siyang tinig.
“Psst..Psst! Tara!”
“Hala, sino yun?” ang pagtataka ni Tara
“Psst! Tara”
“Sino po kayo?” Habang tumitingin tingin sa paligid.
“TARA B.! TARA B.! TARA TARA B! TARA BASURA!” Ang sigaw ni Imbong ang batang mahilig mang-asar.
Nagpatuloy sa paglalakad si Tara at patuloy parin ang pang aasar ni Imbong asar. Walang kibo ito kahit ito ay inaasar na. Siya ay nagpatuloy pa rin sa paglakad hanggang mapadpad sa lugar kung saan maraming mga batang ang nakamasid sa kanya. Nagbulungan ang mga ito.
“Naku, andyan na si Tara. Ang kaklase nating mahilig sa basura o.”
“Naku, kadiri na man yan. Ayaw ko sa kanya. Tignan mo naman ang dala dala puro basura.”
“Mukha na tuloy siyang basurera.”
“Dahil mahilig yan mangolekta ng mga basura. Amoy basura na rin siguro yan”
Araw araw na lang na inaasar at pinagbubulungan si Tara dahil sa pangungulekta ng mga basura tulad ng bote, papel, tansan at mga gamit na katsya sa tindahan ng mga tinapay.
“Psst... Psst...Tara basura!..Beh beh... Tara basura!” Pabirong sigaw ni Inong buska.
“Tara Basura! Ang batang mahilig sa basura.” Inulit pa ng mga kasamang kaibigan ni Inong ang panunukso.
Ngunit siya ay patuloy lang sa paglalakad at ito’y nakangiti kahit na kinukutya at inaasar ni Inong buska. Siya ay tumungo sa tindanahan ng tinapay at humingi ng mga lumang katsya.
Ngunit patuloy pa rin ang pang bubuska ni Inong at dumagdag pa si Imbong asar.
Wala pa ring kibo si Tara sa pambubuska at pangaasar ng mga bata sa kanya. Hanggang sa naisipan na ni Inong na kunin ang dala nitong bayong para pagpasa-pasahan at itapon sa kalsada.
“Akin na itong bayong mo TARA B.” Ang sabi ni Inong
“Inong, ipasa mo naman sa akin” Ang sabi naman ni Imbo na may mapangasar na tinig.
Pinagpasa-pasahan ng dalawa ang bayong ni Tara. Si Tara ay umiiyak na pinulot ang bayong at ng magsikalat na ang mga basura. Nagtawanan lang si Inong at Imbo. Umiiyak na naglalakad si Tara para umuwi na sa kanila hanggang sa naramdaman niya ang kakaibang galaw sa loob ng bayong.
“Aray ang sakit ng baywang ko”   Ang sambit ng isang tinig na ngayon lamang niya narinig.
“Hala. Sino yun?” Ang tanong ni Tara na may halong takot.
Mas lalong natakot si Tara ng may lumabas sa loob ng bayong at nagsalita ng…
“Kamusta Tara? Ako si Botetilya! Aray… ang sakit talaga ng baywang ko”
“Huh?Bot….botetilya?... Paanong nakapagsasalita ka?” Takot na tanong ni Tara habang kinukuskos kuskos ang mata.
“Hindi ka namamalikmata Tara. Ako si Botetilya, ang bago mong kaibigan.”
“Hep hep hep… Hindi lang ikaw Botetilya ang bagong kaibigan ni Tara. Ako rin.”
“Sino naman po kayo?”.
“Ako si Magzy! Ang magazine friend mo Tara!”
“Hindi lang kayo ang kaibigan ni Tara pati ako. Ako si Tanz, ang tansan na side kick ni Botetilya.”
“Huwag ka ng umiyak Tara, kami ang bahala sayo. Tahan na.” Ang sambit ni Tanz.
Tumahan at napangiti na si Tara dahil may mga bago siyang kaibigan. Siya ay nagpatuloy na sa paglalakad.
Hindi muna umuwi si Tara bagkus ay napadpad naman siya sa nanay ng kanyang kaibigan na mananahi at ito ay humingi ng mga retaso ng tela. 
Pumunta rin siya sa tahanan ng kanyang guro para humingi ng mga lumang papel at siya naman ay binigyan.
Marami ng nakulekta si Tara na mga basura. Kaya naman ay bakas na bakas sa kanyang mga mata ang pagkagalak.
Ngunit sadyang makulit talaga si Imbong asar at Inong buska, hindi pa rin tinantanan si Tara. Asar dito, buska doon. Buska dito, asar doon. Hindi na natigil ang pambabansag sa kanya ng TARA B! ANG BATANG MAHILIG SA BASURA.
Hindi lang pambubuska at pangaasar ang ginawa ni Inong buska at Imbong asar. Sila rin ay may mga dalang kalat tulad ng mga papel na binabato-bato kay Tara.
“Aba, hindi talaga matiligil tigil ang pangbubuska at pang-aasar ng dalawang batang ito.” Ang sabi ni Botetilya.
“Oo nga. Kahit ako ay nabibingi na sa pambubuska at pang-aasar ng mga batang iyan.” Sambit ni Magzy.
“Sa tingin ko panahon na talaga para gawin natin ang tama! Pasigaw na sabi ni Tanz.
 Sabay na pumito ang tatlo at may liwanag na lumabas mula sa bayong na dala-dala ni Tara.
May isang maliit na bola ang lumabas. Bola gawa sa mga bagay na nasa loob ng bayong.
“Tara! Kunin mo ang bola!” Sabi ni Tanz.
“Wow. Ang ganda naman nito bolang gawa sa junk! Ayos! Pero ano ang gagawin ko dito Tanz?” Ang tanong ni Tara.
“Yan ang tutulong sayo sa mga mapambuska at mapang-asar na mga batang iyan.”
“TARA BASURA! TARA B! TARA B! Reyna ng mga basura!” Ang patuloy na naririnig ni Tara habang kausap si Tanz.
“Anong gagawin ko dito Tanz?” Ang makulit na tanong ni Tara.
“Hawakan mo maigi Tara. Isipin mo kung ano ang gusto mo mangyari kina Imbo at Inong.”
Hindi na nakapag timpi si Tara sa pambubuska at pang-aasar ni Inong at Imbo sa kanya. Kanyang inisip na sana ang dalawang bata ay maranasan ang matinding pambubuska at pangaasar tulad ng pinadarama nila sa kanya.
Agad na lumiwanag ang bola at sina Imbo at Inong ay nawala.
“Nasaan na sila?” Ang pagtatakang tanong ni Tara.
“Andito sila sa loob ng katawan ko Tara.” Ang sabi ni Botetilya.
“Huwag ka mag-alala Tara, walang masamang mangyayari kina Inong at Imbo. May dapat lang silang matutunan” Sambit naman ni Magzy.
“Hala, nasan tayo Imbo?” Tanong ni Inong.
“Naku hindi ko alam. Ang dumi naman dito. Puro basura. Ang dilim pa.” Sabi ni Imbo.
“Kamusta Imbo at Inong. Andito kayo ngayon sa mundo ng mga basura! Ako nga pala si Botetilya.”
“Mundo ng mga basura? Nagpapatawa ka ba?” Sagot ng dalawa.
“Hindi nagpapatawa si Botetilya! Nagsasabi siya ng totoo. Nandito kayo sa aming mundo!” Ang sabi ng isang basag na salamin.
Nagtataka ang dalawa kung paano sila napadpad sa mundo ng mga basura hanggang sa narinig nila ang isang tinig.
“Huwag kayong magtaka kung bakit kayo nasa mundo ng mga basura. Ang inyong pambubuska at pang-aasar kay Tara ang nagdala sa inyo dito.”
“Naku, sino ba yang mga yan. Kadiri naman yang dalawang yan. Ang lilinis masyado.” Ang sabi nman ng kinakalawang na baterya.
“Ayaw ko sa mga batang mga iyan. Tila hindi man lang na dumihan. Hindi sila tulad natin! Bakit ba napadpad yang mga iyan dito sa atin.” Ang sambit ng isang lukot lukot na papel.
Hiyang hiya ang dalawa sa sa kanilang naririnig. Sila ay pinagbubulungan at pinag-uuspan. Sila ay naglakadlakad at napadpad sa lugar kung saan may mga maliliit na mga tansan at sila ay pinagtatawanan.
Sila ay pinagbabato ng mga papel, balat ng kendi, bulok na kamatis, balat ng saging at kung ano-ano pa.
“Yan ang nababagay sa inyo! Dapat kayong madumihan!”
Patuloy silang naglakadlakad at nakilala ang Bolpen na tila nagsisilbing pulis sa lugar.
“At sino naman kayo? Bakit kayo nasa aming mundo?”
“Ako po si Imbo at siya naman po si Inong.”
Hindi sila pinakingan ng Bolpen at binugahan na lamang sila ng itim na tinta sabay tawa ng malakas!
“Ayan! Yan ang bagay sa inyong dalawa! Hahaha.”
Mangiyak-ngiyak na ang dalawa dahil sa mga naririnig nilang pambubuska at pang-aasar sa kanila. Sila ay nadumihan at tila humahalo na ang amoy tulad ng sa mga basurang nakapaligid sa kanila. Habang ang dalawa ay nasa loob ng katawan ni Botetilya. Si Tara naman ay pinagmamasdan lang ang dalawa at ito ay naaawa.
“Imbo, paano tayo makaalis dito. Hindi ko na kaya ang pambubuska at pangaasar nila sa atin. Saka ang baho ko na.” Ang sabi ni Inong na naluluha na.
“Kahit ako Inong. Gusto ko ng makaalis dito. Ayaw ko na sa mga basurang ito.”
“Hindi na kayo makakaalis dito! Yan ang bagay sa inyo maging basura tulad namin.” Ang sabi ng isang sira-sirang basahan.
Muli ay nagsalita si Botetilya at nagwika “Makakaalis lang kayo dito kung malilinis niyo ang mundo ng basura at mailalagay ang lahat ng basura sa tama nilang lugar at lalagyan.”
Agad na nagsulputan ang tatlong lalagyan na tila bahay ang hitsura at kada lalagyan ay may nakasulat na “Nabubulok, Di nabubulok at recyclables.
Agad na nagsimula ang dalawa. Nagtulungan ang mga ito upang isalansang ang mga basura sa dapat nilang kalagyan. Nakita ni Imbo ang balat ng saging at ito ay nilagay niya sa lalagyan para sa mga nabubulok. Si Inong naman ay may nakitang bote at nilagay ito sa lalagyan para sa mga pwede pang marecycle. At sabay namang nilagay ng dalawa ang plastic bags na kanilang napulot sa lugar para sa mga hindi nabubulok. Hindi naging madali ang ginawa nila dahil may ilang mga basura ang nagsisilipat-lipat ng lugar para inisin at asarin sina Inong at Imbo. Ngunit naging masigasig pa rin ang dalawa at natapos nila ang pagsasalansang ng mga basura.
“Botetilya, Magzy at Tanz, sa tingin ko nagawa na nila Imbo at Inong ang kanilang dapat gawin. Maari na ba silang lumabas sa mundo ng mga basura?” Ang tanong ni Tara na may awang nadarama.
“Magaling magaling Imbo at Inong. Sana ay may natutunan kayo.” Ang sabi ni Botetilya sa dalawa.
Umilaw ang katawan ni Botetilya at nailabas na nito ang dalawang bata.
“Sa wakas nakabalik na tayo.” Sambit ni Imbo habang ina-amoy amoy ang sarili. “Hindi na rin tayo mabaho.”
Umiiyak ang dalawa at humingi ng tawad kay Tara.
“Tara patawarin mo kami sa pambubuska at pangaasar naming sayo.” Wika ni Imbo habang umiiyak.
“Tara, mula ngayon di na kita aasarin na TARA B o TARA BASURA . Tutulungan na lang kita sa pangongolekta. Ano nga ba at nahiligan mo ang pangongolekta ng mga basura?” Ang sambit ni Inong.
“Inong, Imbo. Ayos lang iyon. Masaya ako at may natutunan kayo. Halikayo punta tayo sa bahay at may ipapakita ako sa inyo.” Wika ni Tara.
Agad na nagtungo sa bahay nila Tara si Imbo at Inong. Pagdating sa bahay nila Tara ay nakita nila ang mga koleksyon nitong mga junk art. Nakita ni Imbo ang isang orasan gawa sa mga pinagsama samang sirang gamit. Nakita ni Inong ang isang bote na ginawang makulay na flower base. Nakita rin nila ang koleksyon na mga bracelet at robot na gawa sa tansan at ang iba pang mga junk art.
“Tara ang gaganda ng mga koleksyon mo. Ikaw ba ang gumawa ng lahat ng ito?” Wika ni Inong.
“Oo, ako ang gumawa ng lahat ng mga iyan. Tinutulungan din ako ng kuya at ate ko. O heto sayo na itong robot na gawa sa tansan.”
“At sayo Imbo, sayo na itong bag na gawa sa katya.”
“Salamat Tara” Ang sabi ni Imbo at Inong.
“Ay oo nga pala bago ko makalimutan, bukas nga pala ay ititinda ko ang ibang mga junk art na gagawin ko ngayon. Gusto niyo ba akong tulungan?”
“Sige Tara! Game kami diyan!”
“Ayos!” Ang sigaw nila Botetilya, Tanz at Magzy
Nagtulungan ang tatlo kasama sila Botetilya, Magzy at Tanz sa pagrerecycle ng mga basurang nakolekta ni Tara.
Si Tara ay gumawa ng mga recycled bag mula sa katya habang tinuruan naman ni Tara na gumawa ng mga basahan mula sa retaso ng tela si Imbo.
Sa tulong ni Botetilya, si Inong ang nagdesenyo ng mga palamuti sa mga bote at botelya. Si Tanz naman ang sumusuri sa mga gawang alkansya mula sa mga lata ni Inong.
Si Magzy naman ang tumulong sa paghiwalay ng mga puti at hindi puti na mga papel na kanilang ibebenta sa junk shop ni Mang Isko.Siya rin ang gumawa ng mga paper beads at recycled picture frames.
Buong araw din silang gumawa ng mga junk art. Sobrang bakas sa mga mukha nila ang mga ngiti. Lalo na nang makita nila ang mga obra maestra na nagawa nila. Sadyang lumabas ang kanilang pagkamalikhain.
“Ayos! Tapos na tayo! Ang ganda ng mga ginawa natin!” Ang sambit ng lahat sabay tawa ng malakas.
Dahil sa kanilang malikhaing isip ay naunawaan nila Inong at Imbo na pwedeng makagawa ng mga bagong bagay mula sa mga basurang kinolekta ni Tara.
“Kita mo nga naman o, akala natin si Tara lang ang mahilig sa pagkolekta ng basura. Pero tignan mo ngayon may mga kaibigan na siyang kapareho na ng kanyang hilig.” Ang sambit ng mga magulang ni Tara.
Tititit...Tititit...
Agad na inabot ni Tara ang alarm clock. Tumingin ito sa kalendaryo at nakita na Linggo ngayon. Kanya ring inihanda ang sarili at ang banner na kanyang ginawa mula sa mga lumang katya.
Habang  naghahanda ng lamesa ang tatay ni Tara ay dumating na sila Imbo at Inong at sila na ang naghanda ng kanilang mga ginawang junk art. Habang ang kanilang kaibigang bote, tansan at magazine ay ang nagkabit ng banner na may nakasulat na. “JUNK ART FOR SALE”.
Maraming mga bata ang na enganyo gayun din ang ibang mga nakatatanda. Ang mga batang laging nang-aasar kay Tara ay kasakasama na niya ngayon sa pag gawa at pagbebenta ng mga junk art.
Bago pa magtanghali ay naubos na lahat ng mga panindang nilang junk art. Naka tatlong daan din ang kanilang kinita.
“Inong, Imbo, Botetilya, Tanz at Magzy ang galing talaga natin. May tatlong daan na tayo. Saktong pambili ng binhi para ma-idonate natin sa eco-park ng barangay.” Nakangiting anunsyo ni Tanya.
“Talaga Tara? Ayos! Apir!” ang sambit naman ni Inong.
“Tara ano pang hinihintay natin? Hali na tayo sa palengke para bumili ng binhi. Pagkatapos ay magsimba na rin tayo dahil binigyan tayo ng Diyos ng lakas para sa araw na ito at sa pag gawa ng mga junk art.” wika ni Imbo.
“Tama! Kumita na tayo na katulong pa tayo sa kalikasan.” Ang masayang wika ni Tara.

Ayan mga bata, lagi nating tatandaan na huwag nating mamaliitin ang halaga ng isang bagay na akala natin ay basura na. Sabi nga nila nanay at tatay laging may pera sa basura. Kaya ngayon ay dapat matuto na tayong mag hiwahiwalay ng mga basura natin. Ihiwalay ang nabubulok sa hindi nabubulok at ang mga basurang pwede pang i-recycle. Kagaya ng ginawa ni Tara at ng kanyang mga kaibigan, siya ay nag-impok ng mga basurang maaring gawin muli na isang nakakahangang kagamitan. Kaya mo rin bang gawin ang ginawa ni Tara at ng kanyang mga kaibigan? Kung nagawa ni Tara ang mga iyon ay tiyak na magagawa rin natin. Mahalin ang ating kalikasan at mas payamanin ang ating himahinasyon at pagkamalikhain!











 

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.